Ilang ulit nang sa sarili’y sabihin
Munting ala-ala may naglaho na
Kahit isang larawa’y limot na
Ng isipa’t pusong sa iyo’y nabilanggo
Ilang ulit na ring sabihin sa sariling
Ika’y hindi alang sa akin
Na sa pagdating ng sandaling takda’y
Darating ang sa aki’y laan
Subalit ang hangi’y walang awa
Ibinabalik bawat saglit ang mga gunita
Ng mga kahapong pinagsaluhan,
Mga oras ng pagpupulo’t gata
Sa kabila ng katotohanang
Ako lamang ang may mga ala-ala
Ako lamang ang may kimkim
Sa mga gunita ng ating mga pagsasama
Mga gabi at madaling-araw
Mga tanghaling tapat at dapit-hapon
Mga oras at sandali na an gating mga katawan
Ay magkalapat, magkayakap.
Sa kabila ng katotohanang
Ako lamang ang nagmamahal
Ako lamang ang nagmamahal.
Ilang ulit nga ba kitang dapat mahalin?
Ilang libong pagkakataon bang
Dapat tayo’y magkasiping
Upang kahit piraso ng iyong pag-ibig
Ay mailaan sa akin?
Ilang gabi pa ng mga pagluha’t pag-asa
Ang ilalaan sa bawat isang pagsapit ng umaga
Ilang araw ang kailangang manariwa
Sa bawat paglubog ng araw sa kanluran?
Sa kabila ng katotohanang
Lahat ng ito’y limot mo na,
Lahat ng ito’y kahapon na lamang
Ng iyong kasalukuyan,
Ako pa rin ay nagmamahal
Ako pa rin sa iyo’y nagmamahal,
Magmamahal.